Patay ang isang suspek matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang hot pursuit operation sa Brgy. Bolbok, Batangas City pasado alas-11 ng umaga nitong Setyembre 30.
Kinilala ang nasawi na si Ronald Bacay De Guzman, residente rin ng naturang barangay.
Sa pagpapatuloy ng hot pursuit operation na pinangunahan ni Provincial Director PCOL Geovanny Emerick Sibalo at Acting Chief of Police PLTCOL Ira Morello, natunton ang kinaroroonan ng suspek sa isang masukal na bahagi ng Brgy. Bolbok.
Ngunit agad na nagpaputok ng baril ang suspek sa mga pulis kaya napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba.
Tinamaan ang suspek at agad isinugod sa Batangas Medical Center. Gayunman, idineklara itong dead on arrival ng doktor bandang alas-12:05 ng tanghali.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente at ayon kay Batangas Police Provincial Office spokesperson na si Pltcol Atty. Aleli Buaquen, hinahanap pa ang kasabwat ni Ronald na nakatakas.
Samantala, patuloy naman na nagpapagaling sa ospital ang 3 pulis na naunang nabaril ng mga suspek ukol sa isinagawang buy-bust operation laban sa iligal na baril sa parehong lugar, alas-10 ng gabi nitong Lunes, Setyembre 29. | BChannel news | 📸 Batangas PPO