Nahuli ng National Bureau of Investigation-Public Corruption Division ang isang tauhan ng Bureau of Internal Revenue at kanyang kasabwat sa entrapment operation sa Taguig City.
Ayon sa NBI, nagsimula ang operasyon matapos magsampa ng reklamo ang Hitch Park Solutions Inc. laban sa ilang indibidwal na nagpakilalang taga-BIR.
Lumabas sa imbestigasyon na sina Revenue Officer Elisha Nesrin Dimayacyac at Group Supervisor Grace Rikelle Lapu-os ang nagsagawa ng tax examination sa kumpanya.
Sa halip na ayusin ang buwis nang pormal, inalok umano ng mga opisyal na ibaba ang tax assessment mula ₱36 milyon hanggang ₱800,000, kapalit ng bayad na hindi lahat ay idadaan sa opisyal na resibo.
Noong Setyembre 29, 2025, isinagawa ang entrapment sa BIR District Office 044 kung saan naaktuhan si Lapu-os at personal assistant nitong si Mila Yanson Rodero na tumatanggap ng ₱600,000 cash.
Kakasuhan sila ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Direct Bribery, at Code of Conduct for Public Officials. Kasama rin sa mga kakasuhan si Dimayacyac na sangkot sa usapan ngunit hindi dumalo sa aktwal na transaksyon.
Giit ni NBI Director Jaime Santiago, mananatiling matatag ang kanilang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno, lalo na sa pangongolekta ng buwis. | BChannel news