Timbog ang isang lalaking sangkot umano sa pagbebenta ng mga nakaw na gamit sa isinagawang entrapment operation ng Lipa City Police sa Villa Monica, Barangay Lodlod, Lipa City, Batangas.
Kinilala ang suspek bilang si JP, 32 anyos, tubong Cauayan, Isabela. Nahuli siya matapos ireklamo ng biktima na si DJ, 35 anyos, isang accountant at residente ng Barangay Mabini, Lipa City.
Ayon sa imbestigasyon ng Lipa City Police, natuklasan ng biktima na ang kanyang laptop na nagkakahalaga ng ₱50,000 — na ninakaw mula sa kanyang bahay noong October 3 — ay ibinebenta online. Agad itong ini-report sa pulisya at nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Lipa Component City Police Station.
Sa operasyon, napansin umano ng suspek ang presensiya ng mga pulis kaya tinangka nitong tumakas, pero agad din itong nahuli. Narekober mula sa kanya ang nasabing laptop at isang relo na parehong positibong kinilala ng biktima.
Bukod dito, nasamsam din sa suspek ang isang caliber .22 Magnum firearm na wala itong maipakitang kaukulang lisensya o dokumento.
Ayon kay PLTCOL Atty. Buaquen, may mga pending warrant of arrest umano ang suspek, kabilang ang dalawang kaso ng theft at robbery. Dagdag pa niya, talamak na magnanakaw ang naturang suspek.
Sa pahayag naman ni PCOL Sibalo, “This successful entrapment operation demonstrates our commitment to protecting the property of our citizens and bringing thieves to justice. We will continue to utilize all available resources to combat crime and ensure the safety and security of our communities. Dine sa Batangas, walang takas!”
Kasalukuyang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay JP sa Prosecutor’s Office. | BChannel news