Nanawagan si Batangas First District Representative Leandro Legarda Leviste kay DPWH Secretary Vince Dizon na ibaba ng 25% ang presyo ng mga proyekto ng ahensya upang mapigilan ang kickbacks at mapanatili ang transparency sa 2026 budget ng DPWH bago ito pagbotohan sa Oktubre 10.
Sa isang open letter, sinabi ni Leviste na ang sobrang taas ng project cost sa DPWH ang ugat ng korapsyon dahil dito nagmumula ang tinatayang 20 hanggang 30 porsyentong kickbacks.
Ayon pa sa kanya, kung ibababa ang presyo, mababawasan ang tsansa ng katiwalian at maaari pang makatipid ng hanggang P150 bilyon na magagamit para sa 60,000 silid-aralan sa buong bansa.
Ibinunyag din ni Leviste ang mga umano’y overpriced projects sa Batangas, kabilang ang solar streetlights na mahigit P233,000 kada unit at asphalt overlay na umaabot sa P101 milyon kada kilometro — doble o higit pa sa presyong pangmerkado.
Hinimok ng kongresista ang DPWH na maging ganap na bukas sa publiko tungkol sa mga district budget, convergence projects, at mga proponent ng bawat proyekto.
Giit ni Leviste, oras na para patunayan ni Secretary Dizon na may tunay na pagbabago sa DPWH — isang ahensyang kayang magpatayo ng de-kalidad na proyekto, kahit walang SOP.