Patay ang isang tricycle driver matapos masaksak umano ng magnanakaw sa Barangay Tagapo, Sta. Rosa City, Laguna nitong Martes ng hapon, October 7.
Ayon sa Sta. Rosa City Component Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-2:30 ng hapon, sa may Overhead Bridge ng National Highway.
Base sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek matapos tangkain ng suspek na nakawin ang mga kable ng kuryente ng biktima. Sa gitna ng alitan, bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.
Agad rumesponde ang SWAT Team ng Sta. Rosa Police matapos makatanggap ng tawag mula sa City Traffic Management Unit. Nahuli rin agad ang suspek sa lugar ng krimen.
Kinilala ang biktima na si Howard, 47 anyos, isang tricycle driver, residente ng Barangay Tagapo. Isinugod pa siya sa Sta. Rosa Community Hospital pero idineklara nang dead on arrival.
Ang suspek naman ay kinilalang si Junie, 41 anyos, binata, at tubong Samar. Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng Sta. Rosa City Police at haharap sa kasong homicide. | BChannel news