Inaresto ng Trece Martires City Police ang isang kilalang vlogger na si Deo Jarito Balbuena, o mas kilala bilang “Diwata”, dahil sa bisa ng warrant of arrest mula sa Mandaluyong City kaugnay ng paglabag sa Ordinance No. 628, s.2016 o Anti-Street Obstruction Ordinance.
Ang operasyon ay isinagawa noong alas-7:15 ng gabi, Oktubre 7, sa Barangay Manggahan, General Trias, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon, nag-ugat ang kaso sa insidente noong Marso sa Mandaluyong, kung saan nahuli umano ang limang kalalakihan na nag-iinuman sa kalsada. Isa sa mga ito ang gumamit ng pekeng TIN ID na nakapangalan kay Diwata.
Dahil walang nagbayad ng multa, naglabas ng warrant ang korte laban sa pangalang iyon — na kalauna’y nauwi sa pagkakaaresto ng tunay na Diwata.
Sa panayam ni Senador Raffy Tulfo, inamin ng arresting officer na hindi si Diwata ang aktwal na nahuli nila, at lumalabas na biktima ito ng identity theft at wrongful arrest dahil sa kakulangan ng tamang beripikasyon ng warrant section.
Samantala, tiniyak ni Sen. Raffy Tulfo na maghahain siya ng senate resolution in aid of legislation upang magkaroon ng mas malinaw na protocol sa mga warrant officer bago magsagawa ng pag-aresto.
Matapos magpiyansa, nakalaya na si Diwata at nananawagan ng hustisya upang hindi na maulit sa iba ang ganitong pagkakamali. | BChannel news | 📸 Sen. Raffy Tulfo