Isa nang ganap na batas ang Free Funeral Services Act o Republic Act No. 12309, matapos itong maging epektibo kahit walang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa batas, ang mga mahihirap o mga pamilyang nasa krisis ay maaaring makakuha ng libreng funeral services mula sa pamahalaan.
Sakop nito ang buong proseso mula sa paghahanda ng dokumento, embalming, cremation, hanggang sa libing — kabilang na ang kabaong o urn.
Ang pagpapatupad nito ay pamumunuan ng DSWD, na dati nang nagbibigay ng tulong pinansyal sa libing mula ₱5,000 hanggang ₱50,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS.
Para makakuha ng libreng serbisyo, kailangang magsumite ng valid ID, death certificate, kontrata sa funeral home, at social case study mula sa social worker.
Babayaran naman ng DSWD ang mga funeral establishments na magbibigay ng serbisyo, batay sa kasunduang pirmado ng mga partido.
Ngunit paalala — mahigpit na ipinagbabawal ang panloloko o pagsasamantala sa batas na ito. Ang mga mahuhuling manloloko ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at pagmultahin ng hanggang ₱500,000.
Ang RA 12309 ay tuluyang naging batas noong Setyembre 28, matapos itong hindi pirmahan o i-veto ng Pangulo sa loob ng itinakdang 30 araw. | BChannel news