Sa kulungan ang bagsak ng isang 25-anyos na construction worker matapos umanong saksakin ang kanyang kasamahan sa trabaho sa Brgy. San Carlos, Lipa City, Batangas nitong Oktubre 12, 2025.
Kinilala ang biktima na si Mel, 35 anyos, may asawa, at isang construction worker na kasalukuyang umuupa sa nasabing barangay. Ang suspek naman ay si Ferds, may live-in partner, at kapwa rin construction worker na taga-Northern Samar.
Batay sa imbestigasyon, umiinom umano mag-isa si Mel nang dumating si Ferds at nakisalo sa kanya. Habang nag-iinuman, nauwi sa pagtatalo ang usapan ng dalawa hanggang sa mauwi ito sa pisikal na komprontasyon. Sa gitna ng mainit na bangayan, kumuha umano ng patalim si Ferds at paulit-ulit na sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa kabila ng mga sugat, nagawa pang makipagbuno ni Mel at mapigilan ang suspek. Agad namang rumesponde ang SWAT team na siyang nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto ni Ferds.
Dinala naman ng rescue team ng Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office ang biktima sa Ospital ng Lipa para sa agarang lunas.
Samantala, dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek kung saan ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Republic Act 7438. Inihahanda na ngayon ng Lipa City Police ang kasong Frustrated Homicide laban kay Ferds para sa pagsasampa sa Lipa City Prosecutor’s Office. | BChannel news