Isang pahinante ang nasawi matapos mawalan ng preno ang isang trailer truck at maaksidente sa Maharlika Highway, Barangay Sta. Catalina, Atimonan, Quezon, nitong madaling-araw, alas-4 ng Oktubre 26.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Atimonan Municipal Police Station, binabaybay ng isang trailer truck ang pababang bahagi ng kalsada nang biglang mawalan ito ng preno. Dahil sa takot, tumalon umano mula sa sasakyan ang pahinante na si Robbie, residente ng San Jose Del Monte, Bulacan, ngunit sa kasamaang-palad, nasagasaan siya ng likurang gulong ng trak.
Nagpatuloy ang pag-andar ng trak at sumalpok ito sa isang puno, bago pa nito nasagi ang kasalubong na Bus, na minamaneho ni Gregorio, 66 anyos, residente ng Bacacay, Albay.
Sa tuloy-tuloy na pag-andar, tuluyang bumangga ang trak sa kabilang linya, tinamaan ang metal railing at poste ng kuryente.
Agad rumesponde ang Atimonan MDRRMO at dinala ang sugatang helper sa QPHN Doña Marta, subalit idineklara siyang dead on arrival ng doktor.
Basang-basa umano ang kalsada nang mangyari ang aksidente. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. | BChannel news | 📸 Mabel Bolfani