Dalawang bangkay ang natagpuan na palutang-lutang sa magkahiwalay na lugar sa Cavite nitong Lunes, Oktubre 27.
Sa Bacoor City, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa dagat sa bahagi ng Tahongan/Talabahan sa Barangay Zapote 3 bandang alas-6:45 ng gabi.
Ayon sa Bacoor Police, agad silang rumesponde matapos ang tawag ng isang concerned citizen.
Narekober ng Philippine Coast Guard ang bangkay at dinala sa Barangay Sinbanali para sa imbestigasyon.
Ang biktima ay nakasuot ng light long sleeve at itim na underwear. Patuloy ang pagtukoy sa kanyang pagkakakilanlan at sanhi ng pagkamatay.
Samantala, sa Tanza, Cavite, natagpuan din ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae sa baybayin ng Barangay Sahud Ulan bandang alas-11 ng umaga.
Ayon sa Tanza Police, isang coastguard personnel ang nakadiskubre sa katawan habang nagsasagawa ng routine check.
Dinala ang bangkay sa Herald Funeral Services para sa pagsusuri. Tinatayang nasa edad 20 hanggang 30 anyos ang babae, may suot na itim na shorts at asul na t-shirt na may tatak na “1 for all.”
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa parehong kaso. | BChannel news