Isang aksidente ang naganap sa kahabaan ng National Road sa Barangay Bambang, Los Baños, Laguna, bandang alas-5:30 ng umaga, Oktubre 27, 2025, na nagresulta sa pagkasawi ng isang babae at pagkasugat ng ilang iba pa.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Los Baños Municipal Police Station, isang kotse na minamaneho ng isang Ryan, 40-anyos, residente ng Urbiztondo, Pangasinan, ang bumangga sa Bus ng na minamaneho naman ni Geronimo, 37-anyos, mula sa Magdalena, Laguna.
Lumilitaw sa imbestigasyon na magkasalungat ang direksyon ng dalawang sasakyan—ang bus ay patungong Calamba, samantalang ang kotse ay patungong Sta. Cruz. Ngunit pagdating sa Barangay Bambang, bigla umanong pumasok sa linya ng bus ang kotse, dahilan upang mabangga ito sa unahan ng naturang bus.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng mga sugat ang driver ng kotse at tatlong pasahero nito. Agad silang dinala sa ospital—ang driver sa Bay District Hospital, habang ang mga sakay ay dinala sa Hospital sa Barangay Batong Malake. Sa kasamaang palad, isa sa mga biktima na kinilalang si Rochelle, 31-anyos, residente ng Barangay Mayondon, ay idineklarang dead on arrival.
Kabilang sa mga nasugatan sina Gloria, 30-anyos, at David, 70-anyos, kapwa residente rin ng Barangay Mayondon.
Ang driver ng bus ay kusang sumuko sa mga awtoridad at dinala sa Los Baños Municipal Police Station upang harapin ang imbestigasyon.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang iba pang detalye at pananagutan sa nasabing trahedya. | BChannel news