Isang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Maharlika Highway, Barangay Talisay, Tiaong, Quezon, pasado ala-1 ng madaling-araw nitong Lunes, Oktubre 27.
Sa ulat ng Tiaong Municipal Police Station, bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang makatanggap ng tawag si Patrolman Emmanuel Castillo mula sa isang motorista na humihingi ng tulong matapos makita ang insidente. Agad na rumesponde ang mga nagpapatrulya at mga imbestigador sa lugar.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na ang biktima, na nakilalang si Kiko, 38 anyos, residente ng Barangay Pahinga Norte sa bayan ng Candelaria, Quezon, ay minamaneho ang kanyang tricycle nang bigla siyang pagbabarilin ng hindi kilalang salarin. Tinamaan umano siya sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Nagsagawa na ng crime scene processing ang SOCO, at nire-review na rin ang mga CCTV footage sa paligid ng lugar.
Binuo na rin ng pulisya ang Focus Investigation Team para sa mabilisang pagresolba ng kaso, habang patuloy ang follow-up operations para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Sa ngayon, patuloy na tinutukoy ng mga imbestigador ang motibo sa likod ng krimen. | BChannel news