Isang lalaki ang natagpuang patay sa Pansipit River sa Brgy. Palanas sa Lemery Batangas matapos mawala noong November 14 habang nanghuhuli ng isda gamit ang pamamana.
Ayon sa Lemery Municipal Police Station, pasado 7:50 ng umaga nitong November 16 nang makatanggap sila ng tawag mula sa MDRRMO Lemery hinggil sa insidente.
Lumabas sa imbestigasyon na dakong 7:00 ng gabi noong November 14, sumisid ang biktimang si Rex, 38 anyos, residente ng Brgy. Dominador West, Alitagtag, kasama ang kaniyang mga kasamahan para mangisda nang bigla siyang tangayin ng malakas na agos ng ilog.
Nagsagawa naman ng search and rescue ang Philippine Coast Guard Lemery at MDRRMO, ngunit nabigo silang mahanap ang biktima sa unang dalawang araw.
Nitong Linggo, natuklasan na ang kanyang bangkay na palutang-lutang sa parehong bahagi ng ilog sa Palanas. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.