Patay ang isang lalaki sa pamamaril sa loob mismo ng kaniyang bahay sa Elmars Subdivision, Brgy. Cupang, Antipolo City, pasado 12:30 ng madaling-araw, Nobyembre 17.
Ayon sa Antipolo City Police Station, bandang 1:20 AM nang personal na magtungo ang BPSO ng Brgy. Cupang sa PCP 1 upang iulat ang insidente. Agad na rumesponde ang team ni PCPT Alnor Tagara kasama ang IOC at Mobile 364.
Sa initial na imbestigasyon, nagmula pa ang biktima na si Noel sa isang tindahan bago umuwi. Ilang minuto lang matapos makapasok sa bahay, napansin niyang may single motorcycle na huminto sa harap ng kanilang tahanan. Inakala niya itong motorsiklo ng kaniyang anak kaya lumabas siya upang tingnan.
Doon na biglang bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinaputukan ang biktima. Nakatakbo pa si Noel papasok sa kabilang silid, pero sinundan siya ng suspek at muli pang pinagbabaril, na nagresulta sa kaniyang agarang pagkamatay.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng parehong motorsiklo patungo sa di matukoy na direksyon.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin. | BChannel news