Nagpaalala ang Department of Labor and Employment sa lahat ng pribadong employer na obligadong ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa bago sumapit ang Disyembre 24.
Ayon sa DOLE-Bureau of Working Conditions, matagal nang pinaalalahanan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang responsibilidad ng mga employer dahil malinaw itong nakasaad sa Labor Code at Presidential Decree 851.
Saklaw ng benepisyong ito ang lahat ng rank-and-file employees, kabilang ang mga may fixed wage, may komisyon, may multiple employers, maging ang mga nag-resign, na-terminate, o nasa maternity leave basta’t nakapagtrabaho ng kahit isang buwan.
Ang halaga ng 13th month pay ay hindi dapat bababa sa 1/12 ng kabuuang sahod ng empleyado sa loob ng isang taon. May ilang kumpanya na nagbibigay nito nang mas maaga, o hati sa dalawang beses sa taon.
Hindi saklaw ng benepisyo ang mga nagtatrabaho sa personal service ng iba o kumikita lang sa komisyon. Pero kung may kombinasyon ng sahod at komisyon, ang bahagi ng sahod ay may karapatan sa 13th month pay.| BChannel news