Isang lalaki ang sugatan matapos saksakin ng kasama sa inuman sa Brgy. San Pioquinto, Malvar, Batangas bandang 11:45 kagabi, Nobyembre 24.
Ayon sa Malvar Municipal Police Station, pasado 12:15 ng hatinggabi nang makatanggap ng tawag ang istasyon mula sa Tanauan Medical Center na may dinalang biktima ng pananaksak.
Agad na rumesponde sina PSMS Abner Mangao at PSSg Glenn Wilson Aguilera upang beripikahin ang insidente.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nag-iinuman ang biktima na si Nicko, 33 anyos, nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng suspek na si Edilberto, 51 anyos.
Sa gitna ng alitan, humugot umano ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima nang sunod-sunod, tinamaan ito sa kanang balikat at kaliwang likuran.
Dinala ng mga barangay opisyal ang biktima sa Tanauan City Medical Center kung saan ginagamot ito sa mga tinamong sugat.
Samantala, agad na naaresto ni PSMS Mangao ang suspek sa lugar ng insidente. Narekober sa kanya ang isang 12-pulgadang kutsilyo na ginamit umano sa krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa insidente gayundin ang motibo. | BChannel News