Natagpuan ang hubad at wala nang buhay na katawan ng isang 5-anyos na bata sa isang sapa sa Barangay Maugat, Tanauan City, Batangas madaling-araw ng Disyembre 17, 2025.
Bandang alas-5:45 ng umaga nang madiskubre mismo ng ama ng biktima ang bangkay ni Angel habang patuloy ang kanyang paghahanap matapos hindi makauwi ang anak mula pa alas-6 ng gabi noong nakaraang araw.
Ayon sa Tanauan City Police Station, bandang alas-7:50 ng umaga nang i-report ang insidente ng tiyahin ng biktima sa pamamagitan ng tawag sa pulisya. Agad na rumesponde ang mga duty patroller at imbestigador sa lugar.
Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa masusing forensic processing ng pinangyarihan.
Ininterbyu na ang mga kaanak ng biktima at isinailalim na sa autopsy ang katawan upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. | BChannel news