Sunod-sunod na operasyon kontra ilegal na droga ang ikinasa ng iba’t ibang police units sa lalawigan ng Batangas nitong ika-18 hanggang madaling-araw ng ika-19 ng Disyembre 2025, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 11 street level individual at pagkakakumpiska ng mahigit dalawang gramo ng hinihinalang shabu sa magkakahiwalay na lugar.
Sa Batangas City, dalawang hiwalay na buy-bust operation ang isinagawa ng City Drug Enforcement Team ng Batangas City Police Station. Bandang alas-11:04 ng gabi ng Disyembre 18 sa Barangay Pallocan West, naaresto si Aldrex matapos makuhanan ng humigit-kumulang 0.12 gramo ng hinihinalang shabu at marked money na limang daang piso. Muli ring nagsagawa ng operasyon ang parehong unit bandang alas-8:34 ng gabi sa Barangay San Jose Sico kung saan nadakip si Hilbert at nakumpiska ang tinatayang 0.20 gramo ng hinihinalang shabu.
Sa Lipa City, bandang alas-6:37 ng umaga ng Disyembre 18 sa Barangay 1, Purok 7, naaresto si Bernard matapos makuhanan ng 0.17 gramo ng hinihinalang shabu at marked money.
Sa Tanauan City, dalawang magkahiwalay na operasyon ang ikinasa ng City Drug Enforcement Team. Bandang alas-4:00 ng hapon sa Barangay Bagumbayan, nadakip si Rudy at nasamsam ang 0.10 gramo ng hinihinalang shabu. Bandang alas-8:05 ng gabi naman sa Barangay Tinurik, naaresto si Ariel matapos makuhanan ng apat na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 0.40 gramo.
Sa Nasugbu, Batangas, dalawang operasyon din ang naitala. Bandang alas-3:40 ng madaling-araw ng Disyembre 19 sa Barangay Wawa, naaresto si Jayson at nakumpiska ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.30 gramo. Bandang alas-9:35 ng gabi ng Disyembre 18 sa Sitio Katorse, Barangay Cogunan, nadakip naman si Aprilyn matapos makuhanan ng anim na sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.50 gramo, kasama ang cellphone, motorsiklo at iba pang personal na gamit.
Sa San Jose, Batangas, bandang alas-4:46 ng madaling-araw ng Disyembre 18 sa Barangay Sto. Cristo, naaresto si Jerson matapos makuhanan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 0.25 gramo, marked money at isang coin purse.
Sa Balayan, Batangas, bandang alas-8:15 ng gabi ng Disyembre 18 sa Barangay Putol, nadakip si Ronald matapos makuhanan ng tinatayang 0.15 gramo ng hinihinalang shabu, marked money at isang pouch sa isang buy-bust operation na may PDEA coordination.
Sa Balete, Batangas, bandang alas-11:02 ng umaga ng Disyembre 18 sa Barangay Magapi, naaresto si Christian matapos makuhanan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.15 gramo, marked money, cellphone at isang motorsiklo.
Sa Taal, Batangas, bandang alas-6:30 ng gabi ng Disyembre 18 sa Barangay Poblacion 4, nadakip si Ranny matapos makuhanan ng 0.14 gramo ng hinihinalang shabu, marked money at isang motorsiklo sa isang buy-bust operation na isinagawa sa ilalim ng PDEA coordination.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, ang lahat ng operasyon ay isinagawa sa ilalim ng tamang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency at gumamit ng body-worn cameras o alternative recording devices upang matiyak ang transparency.
Habang isinusulat ito ng Balisong Channel News, ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang isinailalim na sa laboratory examination ang mga nakumpiskang ebidensya. | BChannel news