Tiniyak ng Philippine Ports Authority na handa na ang mga pantalan sa buong bansa sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, prayoridad ng ahensiya ang ligtas, maayos at komportableng paglalakbay lalo na para sa mga pamilyang uuwi para sa Pasko, kabilang ang mga OFW at balikbayan.
Ipinatupad na ang heightened readiness measures gaya ng no-leave policy sa mga kritikal na tauhan, dagdag na frontline staff, mas mahigpit na security screening at tuloy-tuloy na pagbabantay sa operasyon ng mga pantalan.
Siniguro din ng Philippine Coast Guard ang kahandaan at kaligtasan ng mga pantalan at sasakyang-pandagat sa Batangas Port ngayong holiday season.
Anila, nagsagawa ng mahigpit na pre-departure inspection upang masigurong ligtas ang mga barko at pasahero, kasabay ng patuloy na pagdagsa ng mga biyahero pauwi sa kanilang mga probinsya.