Hinamon ng Malacañang si Batangas First District Representative Leandro Leviste na maglabas ng beripikadong ebidensya at dokumento kaugnay ng umano’y budget insertions sa 2025 national budget.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, responsibilidad ni Leviste na patunayan ang tinatawag niyang “Cabral files” at hindi ito dapat ipasa sa iba, kabilang ang DPWH.
Sinabi ni Castro na ang mga dokumentong sinasabing mula sa yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral ay maaaring binago o peke, at nananatiling walang patunay hangga’t hindi kinukumpirma ng DPWH.
Binigyang-diin din niya na walang ebidensya na naisakatuparan ang proyektong inuugnay kay First Lady Liza Araneta-Marcos.
Tumugon din ang Malacañang sa pahayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, na walang anumang pagtatakip na nagaganap at ang usapin ay umiikot lamang sa isang hindi pa beripikadong listahan.
Ayon sa Palasyo, hanggang walang opisyal na kumpirmasyon mula sa DPWH at kay Secretary Vince Dizon, ang mga alegasyon ay itinuturing na haka-haka at walang bigat sa batas. | BChannel news