Arestado sa isinagawang manhunt operation ng Batangas Component City Police Station ang isang lalaki na kilala bilang “Kiko,” Rank 4 Regional Most Wanted Person, bandang alas-4:40 ng hapon noong Enero 2 sa Barangay Dumuclay, Batangas City.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, ang suspek ay 39-anyos, at residente ng nasabing barangay.
Naaresto siya sa bisa ng ilang warrant of arrest na inilabas noong Setyembre 16, 2025, kaugnay ng anim na bilang ng statutory rape na walang piyansa, dalawang bilang ng sexual assault kaugnay ng Republic Act 7610 na may piyansang tatlong daan animnapung libong piso, at isang bilang ng sexual assault sa ilalim ng Anti-Rape Law na may piyansang dalawang daang libong piso.
Ang sexual assault ay anumang uri ng seksuwal na pang-aabuso o karahasan na ginagawa nang walang pahintulot ng biktima, tulad ng sapilitang paghipo, paghawak, o pagpasok ng anumang bagay sa katawan ng biktima.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa pansamantalang custodial facility ng Batangas Component City Police Station para sa kaukulang disposisyon. | BChannel News