Umakyat sa humigit-kumulang ₱22 milyon ang kabuuang sweldo at Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ng isang kongresista ngayong 2026, ayon sa pahayag ni Leandro Legarda Leviste.
Nagpasalamat siya kina Deputy Speaker Puno at Teddy Ridon sa paglilinaw na may inilabas na ₱2 milyon mula sa MOOE, na ayon sa kanila ay hindi Christmas bonus kundi karagdagang pondo para sa mga aktibidad sa distrito tulad ng konsultasyon, health programs, at pakikipag-ugnayan sa barangay.
Nilinaw rin ni Toby Tiangco na may kahalintulad na pondo hindi lang tuwing Pasko kundi pati Undas at Easter, at matagal na umanong umiiral ang ganitong sistema.
Ayon kay Leviste, tumaas sa ₱342,310 ang buwanang sweldo ng kongresista ngayong 2026. Kapag isinama ang office budget, mga bonus, at iba pang MOOE, umaabot sa milyon-milyon ang kabuuang pondo.
Giit niya, hindi niya sinasabing iligal ang mga ito, ngunit nananawagan siya ng transparency, lalo na sa ₱18.58 bilyong MOOE ng Kamara na katumbas ng mahigit ₱58 milyon kada kongresista. Ang tanong aniya: saan nga ba napupunta ang pondo ng bayan? | BChannel news