Isinusulong ni Senator Bam Aquino ang agarang pag-angat ng sahod ng mga guro sa pamamagitan ng panukalang Angat Sweldo Para sa Guro Act, kasabay ng makasaysayang ₱1.38 trilyong budget para sa edukasyon sa 2026.
Ayon sa senador, panahon na para wakasan ang matagal nang krisis sa sahod at suporta sa mga guro.
Sa ilalim ng Senate Bill 127, iminungkahi ang ₱10,000 buwanang umento para sa mga pampublikong guro at kuwalipikadong non-teaching personnel na ipatutupad sa loob ng tatlong taon. Binigyang-diin ni Aquino na sobra ang trabaho ng mga guro, marami rito ay lampas sa oras ng klase at pasaning administratibo.
Bagama’t umabot sa 4.5 porsyento ng GDP ang education budget—na unang beses na tumugon sa pamantayan ng United Nations—nagbabala si Aquino na ang ₱43.24 bilyong nakalaan sana para sa salary upgrades ay nailipat sa unprogrammed funds, kaya’t hindi pa tiyak ang paglabas nito.
Nanawagan ang senador ng transparency at mahigpit na pagbabantay upang matiyak na direktang mapapakinabangan ng mga guro ang pondo, dahil ayon sa kanya, ang pag-aalaga sa mga guro ay susi sa mas de-kalidad na edukasyon para sa mga batang Pilipino. | BChannel news