Arestado ang isang electrician matapos umanong mahuling nagnanakaw ng copper wire sa loob ng isang kumpanya sa Barangay Mataas na Bayan, Lemery, Batangas noong Enero 6, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas Jerwin, 34 anyos, may asawa, empleyado ng Sta Clara International Corporation na nagtatrabaho para sa construction project, at residente ng Agdangan, Quezon.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, bandang alas-9:25 ng umaga nang tumawag ang security guard ng kumpanya upang ireport ang pagkakaaresto sa suspek.
Batay sa imbestigasyon, alas-7:25 ng umaga nang pigilan ng guwardiya ang suspek habang palabas na ng compound. Sa inspeksyon sa kanyang mga gamit, nadiskubre ang copper wire na itinago umano sa loob ng kanyang water tumbler, at may karagdagan pang kable sa kanyang backpack.
Agad siyang isinuko sa mga rumespondeng pulis ng Lemery Municipal Police Station.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa Provincial Prosecutor’s Office ng Batangas. | BChannel news