Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office Calabarzon laban sa limang rider na sangkot sa marahas na suntukan at batuhan sa Lipa City, Batangas, matapos kumalat ang insidente sa social media at umani ng matinding reaksiyon ng netizens.
Bilang agarang hakbang, pansamantalang sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng mga rider habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Inatasan din silang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong administratibo, habang inilagay naman sa alarm status ang mga motorsiklong sangkot upang hindi magamit o mailipat.
Ayon kay Regional Director Elmer Decena, hindi kailanman pinahihintulutan ang karahasan sa kalsada at ang pagiging lisensyadong drayber ay isang pribilehiyo na may kaakibat na pananagutan.
Babala ng LTO, kung hindi haharap ang mga rider, papasyahan ang kaso batay sa ebidensyang hawak ng ahensya.
Giit ng LTO Calabarzon, ang disiplina at respeto sa kalsada ay mahalaga upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng motorista at ng publiko. | BChannel news