Isinusulong ng Kamanggagawa Party-list ang panukalang gawing limang taon ang bisa ng business permit sa halip na taunang renewal.
Ayon sa grupo, malaking gastos at abala ito lalo na sa mga micro, small, at medium enterprises o MSMEs.
Sa ilalim ng House Bill 7213, layong pahabain ang validity ng mga business permit na inilalabas ng mga lokal na pamahalaan upang mabawasan ang red tape, mapagaan ang pasanin ng mga negosyante, at maging mas episyente ang operasyon ng mga LGU.
Kasabay nito, inihain din ni Eli San Fernando ang House Bill 7212 na magtataas ng buwis sa idle lands mula limang porsiyento tungo sa sampung porsiyento.
Ayon sa mambabatas, ang mga lupang nakatiwangwang lalo na sa urban areas ay nagpapalala sa kakulangan sa pabahay, nagpapataas ng renta, at naglilimita sa oportunidad sa trabaho.
Layunin ng panukala na pigilan ang land speculation, hikayatin ang mas produktibong paggamit ng lupa, at makalikom ng dagdag pondo para sa serbisyong panlipunan, habang pinananatili ang responsableng pagnenegosyo at proteksyon sa mga manggagawa.