Mananatili si Christina Frasco bilang kalihim ng Department of Tourism. Ito ang paglilinaw ng Malacañang matapos kumalat ang espekulasyon na may posibleng pagpapalit ng pamunuan sa ahensya.
Umani ang mga haka-haka matapos iulat na ikinokonsidera umano si Philippine Sports Commission Chairperson Patrick Gregorio para sa posisyon. Gayunman, mariing itinanggi ito ng Palasyo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala umanong napag-uusapang anumang pagbabago sa pamumuno ng DOT sa ngayon.
Lumabas ang mga tsismis kasabay ng batikos kay Frasco hinggil sa paggamit ng kanyang larawan sa ilang tourism materials ng gobyerno.
Kinuwestiyon ng ilang kritiko kung angkop ang paglalagay ng kanyang imahe sa mga promotional collaterals.
Bilang tugon, ipinag-utos ni Frasco ang agarang pagtanggal ng lahat ng materyales na may kanyang larawan sa mga regional office ng DOT.