Arestado ang isang 18-anyos na lalaki matapos masangkot sa panloloob ng isang sari-sari store sa Lipa City, Batangas.
Kinilala ang suspek si “Isko,” isang out-of-school youth at residente ng Barangay Kayumanggi.
Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Police, madaling-araw ng Pebrero a-1 nang puwersahang pasukin ng suspek ang Riza’s Store sa T.M. Kalaw Street, Barangay 3, matapos sirain ang pinto nito.
Sa kuha ng CCTV, makikitang tinangay ng suspek ang humigit-kumulang P12K kita, mga sigarilyo, at isang cellular phone na may kabuuang halagang mahigit P22K.
Noong Pebrero a-4, personal na nagtungo sa pulisya ang 54-anyos na babaeng may-ari ng tindahan upang magsampa ng reklamo. Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nauwi sa pagkakaaresto ng suspek at pagkarekober ng ninakaw na cellphone.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lipa City Police ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa laban sa kanya.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, patuloy ang kanilang pagbabantay upang masigurong ligtas ang buhay at ari-arian ng mamamayan. | BChannel news