Patay ang menor de edad na grade 12 student matapos ang isang insidente sa loob ng isang silid-aralan ng Lian Institute, Inc. sa Barangay Bungahan, Lian, Batangas, kahapon ng hapon, ika-5 ng Pebrero bandang alas-2:55.
Ayon sa Regional Police Station CALABARZON, nakatanggap ang Lian MPS ng tawag mula kay Municipal Administrator Michael kaugnay ng umano’y pamamaril sa loob ng nasabing paaralan. Agad rumesponde ang mga pulis sa lugar.
Pagdating ng mga awtoridad, nadatnan ang biktima na nakahandusay sa loob ng isang silid-aralan at may tama ng bala sa ulo. Katabi nito ang isang baril na caliber .45 na may kargang magasin, dalawang bala na hindi pa napapaputok, at dalawang basyo ng bala na nasa sahig.
Batay sa salaysay ng guwardiya ng paaralan na si Kennedy, nakita umano nila ang biktima na may hawak na baril at pinakiusapan itong ibaba ang armas. Sa halip, nagpaputok umano ang biktima ng tatlong beses sa loob ng silid-aralan na tumama sa pader at kisame, bago nito itinutok ang baril sa sariling ulo at pinaputukan ang sarili.
Agad na isinara ang lugar at humingi ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives para sa masusing imbestigasyon. Patuloy ang isinasagawang pag-iimbestiga upang matukoy ang kabuuang detalye at pinagmulan ng baril.
Samantala, nagsagawa ngayong umaga, ika-6 ng Pebrero 2026, ng koordinasyon at pulong ang Municipal Social Welfare and Development Office at Municipal Health Office – Lian Rural Health Unit kasama ang pamunuan at mga kinatawan ng paaralan.
Sa naturang pulong, tinalakay ang mga umiiral na mekanismo ng paaralan para sa proteksyon ng mga mag-aaral, kabilang ang Child Protection Policy. Ipinaalala na sa ilalim ng DepEd Order No. 40, s. 2012 at Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013, obligadong magpatupad ang lahat ng paaralan—pampubliko man o pribado—ng malinaw at epektibong mga patakaran upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Pinag-usapan din ang mga posibleng hakbang para tugunan ang psychosocial at mental health concerns ng mga mag-aaral at pamilyang apektado ng insidente.
Ayon sa mga opisyal, may ilang mungkahing interbensyon na nangangailangan pa ng mas detalyadong paglilinaw at pormal na koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan bago tuluyang maisakatuparan. | BChannel news