Isang tricycle driver ang patay matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sakay ng motorsiklo nitong Pebrero 6 sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa Police Regional Office CALABARZON, bandang alas-8 ng gabi noong Pebrero 6, 2026, naganap ang pamamaril sa Purok 7, Barangay San Carlos.
Kakababa lamang umano ng biktima ng kanyang pasahero at minamaneho pa ang kanyang tricycle nang bigla siyang paulanan ng bala ng isang lalaking suspek na sakay ng motorsiklo.
Tinamaan ang biktima na si Elvis sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Calle Arsobispo, Barangay Mataas na Lupa. Inilarawan ang suspek na nakasuot ng itim na pang-itaas at pantalon, at may suot na asul na helmet.
Isinugod ang biktima na kinilalang si Elvis sa Mary Mediatrix Medical Center para sa agarang lunas subalit binawian na rin ng buhay. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril. | BChannel news