Biglang bumuka ang malaking sinkhole sa Qixin Road malapit sa Li’an Road sa Minhang District, Shanghai, China nitong Miyerkules ng umaga, Pebrero 11.
Ayon sa kuha ng security camera, nagkaroon muna ng bitak ang kalsada bago tuluyang gumuho at bumuka ang tinatayang 10 hanggang 20 metrong lawak na hukay sa bahagi ng kalsada, poste ng ilaw at sidewalk.
Mabilis na nakaiwas ang mga bystander at wala namang napaulat na nasaktan.
Nauna nang may natukoy na water leak sa ginagawang Metro Line excavation isang araw bago ang insidente.
Agad namang isinara ang kalsada at naglagay ng harang ang mga awtoridad habang sinisikap kontrolin ang pag-agos ng tubig mula sa pinaghihinalaang pumutok na linya.