Nakatakdang i-energize ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang ilang malalaking transmission projects sa 2026 matapos makumpleto ang mahahalagang bahagi ng mga pasilidad para sa mas matatag at maaasahang suplay ng kuryente sa bansa.
Kabilang sa target tapusin ngayong taon ang Amlan-Dumaguete 138-kilovolt transmission line na nagkakahalaga ng 1.9 bilyong piso, Tuguegarao-Lal-lo o Magapit 230-kilovolt line na may 2.4 bilyong piso, at ang unang yugto ng Tuy 500/230-kilovolt Substation na bahagi ng Tuy-Dasmariñas 500-kilovolt line na may halagang 8.1 bilyong piso. Kasama rin ang Nabas-Caticlan-Boracay 138-kilovolt line na 4.2 bilyong piso, at Tacurong-Kalamansig 69-kilovolt line na halos 758 milyong piso. Tatapusin din ang ikalawang yugto ng Visayas Substation Reliability Project at ang paglilipat ng ilang steel poles sa Hermosa-Duhat 230-kilovolt line.
Ayon sa NGCP, layunin ng mga proyektong ito na tugunan ang pagtaas ng demand sa kuryente, mapabuti ang kalidad at seguridad ng sistema, at masuportahan ang pagpasok ng mga bagong planta ng kuryente, kabilang ang renewable energy, pati na ang mga backbone at interconnection projects ng grid.
Noong 2025, natapos ng NGCP ang pag-upgrade at pagpapalawak ng labing-apat na substations sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang dito ang paglalagay ng mas malalaking transformer sa Castillejos, Calaca, Concepcion, Corella, Toril, Pitogo, Maramag, Dingle, Calbayog, Paranas, Davao, San Jose at Mabinay. Natapos din ang 100-megavolt ampere expansion sa Iloilo Substation bilang bahagi ng Panay-Guimaras Interconnection Project, gayundin ang voltage improvement initiatives sa Tigaon, Malvar, Baybay, Sta. Barbara at Zamboanga.
Sa pahayag ng NGCP, nananatili silang committed sa ligtas at maaasahang transmission service sa kabila ng hamon sa right-of-way at permitting. Umaapela rin ang kumpanya sa Department of Energy at mga lokal na pamahalaan para sa mas mabilis na pag-apruba ng mga permit upang hindi maantala ang implementasyon ng mga proyekto.