Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa loob mismo ng kanyang inuupahang silid sa Purok 6, Barangay Soro Soro Ilaya, Batangas City, alas-9 ng gabi nitong Pebrero 12.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Batangas City Police Station, nasa loob ng kanyang kwarto ang biktimang kinilalang si John nang pasukin at pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek.
Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin at naglakad patungo sa hindi pa matukoy na direksyon, dala ang ginamit na baril.
Nagsagawa ng dragnet operation ang mga awtoridad habang humingi rin ng tulong sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen at pangangalap ng ebidensya.
Patuloy sa ngayon ang follow-up investigation ng pulisya para sa pagkilala at agarang pag-aresto sa mga suspek. | BChannel news