Isang mangingisda ang nasawi habang isa pa ang nawawala matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa Sabangan o Agos River sa Barangay Pamplona, General Nakar, Quezon noong February 14 pasado alas 5 ng hapon.
Batay sa imbestigasyon ng General Nakar Municipal Police Station, sakay ng isang home-built motorized fishing boat ang tatlong biktima at patungo na sana sa dagat nang bumangga ang bangka sa steel sheet piles. Dahil sa malakas na agos ng tubig, tuluyang tumaob ang bangka.
Nakaligtas si Ronie matapos makaahon sa Barangay Libjo sa Infanta, Quezon. Samantala, narekober ang bangkay ni Joel noong February 16 ng alas 6 ng umaga sa Barangay Abyawin, Infanta, at dinala sa punerarya. Patuloy namang hinahanap si Bryan na hanggang ngayon ay nawawala.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang MDRRMO, Philippine Coast Guard at PNP Maritime Group para sa retrieval ng nawawalang biktima. | BChannel news