Patay ang isang tricycle driver habang sugatan naman ang rider matapos ang banggaan ng dalawang sasakyan bandang alas-8:10 ng umaga, Pebrero 17, sa kahabaan ng National Road sa Barangay Manghinao Uno, Bauan, Batangas.
Batay sa imbestigasyon ng Bauan Municipal Police Station, magkasalubong ang dalawang sasakyan na tricycle at motorsiklo kung saan ang isa ay papunta sana sa direksyon ng Alitagtag mula Bauan, habang ang isa naman ay patungong bayan ng Bauan mula sa isang Hotel.
Pagsapit sa lugar ng insidente, biglang pumasok umano sa kabilang linya ang tricyle dahilan upang mabangga ito sa kaliwang bahagi ng motorsiklo.
Dahil sa lakas ng impact, kapwa nagtamo ng sugat ang dalawang driver at saka isinugod sa magkaibang ospital sa Bauan. Gayunman, idineklarang dead on arrival ang driver ng tricycle dakong alas-9:41 ng umaga.
Naaresto naman ang rider na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. | BChannel news