Naaresto ang isang 55 anyos na lalaki matapos pagsilbihan ng search warrant ng mga tauhan ng Calaca City Police Station sa Barangay Puting Bato West, Lungsod ng Calaca, Batangas nitong Pebrero a-20.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Boyet,” may asawa, na nadatnan sa loob mismo ng kaniyang bahay nang isagawa ang paghahalughog batay sa warrant na inilabas ng Executive Judge ng Balayan, Batangas sa parehong araw.
Sa isinagawang operasyon, narekober ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number at kargado ng apat na bala. Nakumpiska rin ang 2 pang live ammunition na hindi nakalagay sa silindro at isang kulay abong sling bag.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act para ihain sa Office of the Prosecutor. Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calaca police ang suspek. | BChannel news