Muling nanawagan ang Iglesia ni Cristo sa pamahalaan na agad tugunan ang umano’y malawakang katiwalian sa bansa, kasunod ng kanilang isinagawang rally para sa transparency at accountability noong Nobyembre 2025.
Ayon kay INC spokesperson Edwil Zabala, mahigit 3 buwan na ang lumipas ngunit wala pa ring malinaw na solusyon sa umano’y malaking pondo ng bayan na hindi pa rin natutunton, kabilang ang mahigit P1 trilyong pisong inilaan sa mga flood control project at iba pang imprastraktura.
“Mahigit na tatlong buwan na ang lumipas subalit wala pa ring natatanaw ang mamamayan na kalutasan sa napakalaking pangungulimbat sa kaban ng bayan,” ani Zabala.
“Hanggang ngayon ay hindi pa natutunton ang sinasabing mahigit isang trilyong pisong inilaan sa mga flood control project at iba pang pagawaing bayan,” dagdag pa niya.
Iginiit din ng INC na sa halip na habulin ang mga sangkot, umano’y ang mga nagbibigay ng impormasyon laban sa katiwalian ang nakararanas ng panggigipit at kaso.
Samantala, sinabi ng Presidential Communications Office na nasa Ombudsman at Department of Justice na ang ilang kasong may kaugnayan dito at hinihintay na lamang ang magiging resolusyon alinsunod sa due process. | BChannel news