Sugatan ang isang lalaki matapos masaksak ng kanyang kasamahan sa isang inuman sa Brgy. Mataas na Bayan, Lemery, Batangas nitong Linggo ng hapon, March 8.
Kinilala ang biktima na si Miko, 26 anyos at residente ng nasabing barangay. Ang suspek naman ay si Roy, 33 anyos, isang construction worker na nakatira rin sa parehong lugar.
Batay sa imbestigasyon ng Lemery Municipal Police Station, nag-iinuman umano ang biktima, suspek at kanilang mga kasamahan nang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap. Nauwi ito sa kaguluhan hanggang sa umano’y kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima na tinamaan sa ibabang bahagi ng tiyan.
Agad namang isinugod ang biktima sa Batangas Provincial Hospital para sa paunang lunas at kalaunan ay inilipat sa Metro Lemery Medical Center para sa karagdagang gamutan. Sa ngayon ay nasa stable condition na ang biktima.
Samantala, mabilis na rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng ulat mula sa barangay chairman bandang alas-4:35 ng hapon. Naaresto ang suspek sa lugar at narekober din ang patalim na ginamit sa insidente.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa Lemery Municipal Police Station habang inihahanda ang kasong Frustrated Homicide laban sa kanya. Inaalam na rin ang puno’t dulo ng krimen. | BChannel News