Nasawi ang isang lalaki matapos mabangga ng motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa kahabaan ng Ortigas Avenue Extension sa Barangay San Isidro, Taytay, Rizal nitong Miyerkules ng umaga, March 11.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station, dakong alas-7:45 ng umaga nang mangyari ang insidente. Binabagtas umano ng isang motorsiklo ang naturang kalsada patungong Kaytikling nang bigla nitong mabangga ang biktimang tumatawid sa pedestrian lane.
Dahil sa lakas ng impact, kapwa tumilapon at bumagsak sa kalsada ang rider at ang biktima.
Agad namang rumesponde ang rescue team ng Barangay San Isidro kasama ang mga pulis. Dinala sa Rizal Provincial Hospital System ang rider upang mabigyan ng agarang lunas, habang isinugod naman sa Taytay Emergency Hospital ang biktima.
Gayunman, idineklarang na dead on arrival ang biktima na kinilalang si Marcial, nasa hustong gulang at residente ng Saint Anthony Subdivision sa Cainta, Rizal.
Ang sangkot na motorsiklo ay isang itim na Rusi motorcycle na minamaneho ng 36-anyos na lalaki na si Mark na residente ng Barangay San Juan, Taytay, Rizal.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa insidente, habang posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng motorsiklo. | BChannel News