Naghatid ng tulong ang DSWD Field Office 2 – Cagayan Valley sa isang bedridden na senior citizen sa Brgy. Dibibi, Cabarroguis, Quirino matapos mag-viral online ang kanyang kalagayan.
Nauna rito, kinailangang isakay si Lolo Jaime sa isang “patuki” o improvised stretcher upang makarating sa payout center. Halos isang oras na biyahe mula sa kanilang tahanan sa kabundukan ang tiniis ng kanyang pamilya para lamang makuha ang ayudang nakalaan para sa kanya.
Dahil hindi na kayang maglakad ng matanda, binuhat at dinala pa siya sa mahirap na daan sa bundok upang makarating sa payout site.
Matapos itong kumalat sa social media, personal nang pinuntahan ng mga social worker ang kanilang tahanan at inakyat ang bundok upang ihatid ang kabuuang P8,000 na tulong—kabilang ang P3,000 social pension at P5,000 food assistance.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng kanilang door-to-door service upang hindi na mahirapang bumiyahe ang mga senior citizen lalo na ang may sakit at nakatira sa malalayong lugar. | BChannel