Sugatan ang isang 19-anyos na binatilyo matapos umano siyang saktan ng sariling stepfather sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Poblacion 2 sa bayan ng Tiaong, Quezon.
Sa ulat ng Tiaong Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-5:40 ng hapon kahapon, March 16, ngunit nai-report lamang sa pulisya bandang alas-8:40 ng gabi nang magtungo sa himpilan ang biktima kasama ang kanyang ina na siyang saksi sa pangyayari.
Ayon sa salaysay ng ina, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan niya at ng suspek na kinilalang si Pablo, isang barangay tanod at stepfather ng biktima. Habang nag-aaway ang dalawa, sinubukan umanong umawat ng biktimang si Cyrus.
Gayunman, bigla umanong sinunggaban ng suspek ang leeg ng binatilyo at ibinagsak sa isang glass table dahilan para mabasag ito. Hindi pa doon natapos ang pananakit dahil muli umano itong ibinagsak ng suspek sa tiled floor ng kanilang bahay.
Sinubukan pang awatin ng ina ang suspek ngunit nagpatuloy umano ito sa pananakit bago tuluyang tumakas patungong Brgy. Poblacion Cuatro sakay ng kulay asul na motorcycle habang suot ang itim na leather jacket.
Dahil sa tinamong pinsala, agad dinala ang biktima sa Candelaria District Hospital upang mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon.
Samantala, nagsasagawa na ng hot pursuit at dragnet operation ang mga awtoridad upang madakip ang suspek. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya. | BChannel News