Isang empleyado ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO sa Sariaya, Quezon ang nasawi matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek nitong umaga ng March 25.
Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police Station, papasok na sana sa trabaho ang biktima bandang alas-7:30 ng umaga sa Brgy. Lutucan 1 nang bigla itong lapitan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.
Dinala pa ng mga kasamahan sa MDRRMO ang biktima sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang dragnet operation para matukoy at mahuli ang mga salarin, habang hinihintay rin ang resulta ng crime scene processing ng SOCO.
Sa ngayon, inaalam pa ang motibo sa likod ng pamamaril. | BChannel News