Sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, inanunsyo ng Iran na maaari pa ring dumaan ang mga “non-hostile” na barko sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng langis sa buong mundo.
Ayon sa pahayag ng Iran sa United Nations, papayagan ang mga sasakyang-dagat na makadaan kung hindi sila sangkot o sumusuporta sa anumang aksyon laban sa Iran, at kung susunod sila sa itinakdang safety regulations. Ngunit hindi nilinaw ng Tehran kung anu-ano ang eksaktong patakaran na dapat sundin.
Sa kabila nito, nananatiling limitado ang maritime traffic sa naturang waterway. Mula sa dating mahigit 100 barko kada araw bago ang digmaan noong February 28, bumagsak ito sa halos lima na lamang kada araw, ayon sa maritime data.
Dahil dito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa global market, na posibleng umabot sa $150 hanggang $200 kada bariles kung hindi agad maaayos ang sitwasyon.
Samantala, sinabi ni US President Donald Trump na may ongoing negotiations na umano para tapusin ang giyera sa pagitan ng US, Israel, at Iran, kahit na una itong itinanggi ng Tehran.
Nagbigay naman ito ng bahagyang pag-asa sa global markets, kung saan tumaas ang stock indexes sa Asia, kabilang ang Japan, South Korea, at Hong Kong.
Sa ngayon, nananatiling bukas ang Strait of Hormuz—pero may malinaw na babala ang Iran na tanging mga barkong hindi kalaban ang ligtas na makakadaan. |BChannel news