Nagsagawa ang Russia ng isa sa pinakamalalaking aerial attacks laban sa Ukraine matapos magpalipad ng halos 948 drones sa loob lamang ng 24 oras, kasabay ng paggalaw ng kanilang tropa na senyales ng panibagong opensiba.
Ayon sa mga awtoridad, tatlo ang kumpirmadong nasawi sa magkakahiwalay na lugar kabilang ang Ivano-Frankivsk at Vinnytsia. Sa Lviv, isang drone ang bumagsak sa makasaysayang bahagi ng lungsod at nagdulot ng pinsala sa isang UNESCO World Heritage site malapit sa simbahan.
Nauna rito, limang katao rin ang nasawi sa sunod-sunod na pag-atake sa 11 rehiyon kabilang ang Poltava, Zaporizhia, Kherson, at Kharkiv.
Kinondena naman ng pamahalaan ng Ukraine ang pag-atake lalo na’t nangyari ito sa gitna ng mataong lugar at sa mismong araw.
Dahil dito, muling nanawagan si President Volodymyr Zelenskyy sa kanilang mga kaalyado na magbigay ng karagdagang air defense systems, lalo na’t posibleng maubusan sila ng missile supply habang nakatuon ang Estados Unidos sa ibang sigalot sa Middle East.