Naging sentro ang Lipa City sa pagpapakita ng konkretong aksyon ng pamahalaan matapos ilunsad ang “Matatag na Batangas sa Bagong Pilipinas,” kung saan sabay-sabay na pinasinayaan ang mga proyektong magpapabilis ng biyahe, serbisyo, at access sa edukasyon para sa mga Batangueño nitong March 26.

Kabilang sa mga pangunahing proyekto ang 5-kilometer Section 1 ng Lipa–Mataas na Kahoy Bypass Road sa Barangay Bulacnin at ang 11-kilometer Lipa–Padre Garcia Bypass Road na inaasahang magpapagaan ng daloy ng trapiko at magpapabilis ng biyahe sa mga karatig bayan.


Binuksan din ang bagong gusali ng DSWD Region 4A sa Barangay Marawoy upang mas mailapit ang serbisyong panlipunan sa mga residente ng CALABARZON, habang pormal ding inilunsad ang 4-storey, 16-classroom building sa Padre Valerio Malabanan Memorial School at ang 8-storey, 36-classroom building sa Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa Annex na tutugon sa kakulangan ng silid-aralan.


Ayon kay Lipa City Mayor Eric Africa, kasabay ng paglago ng lungsod ay ang pagdami ng pangangailangan sa kalsada, edukasyon, at social services, kaya malaking tulong ang mga proyektong ito lalo na sa mga tsuper at pamilyang apektado ng mataas na gastusin.
Sinabi naman ni Congressman Ryan Christian Recto na ang mga inisyatibang ito ay bahagi ng isang integrated development plan kung saan pinagsasama ang imprastraktura, edukasyon, at serbisyong panlipunan para sa mas epektibong pag-unlad.
Dagdag pa ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, mapapabilis ang tulong sa mamamayan sa pamamagitan ng mas malapit na opisina, kabilang ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga apektadong tsuper, habang binigyang-diin ni DepEd Secretary Sonny Angara na ang mga bagong paaralan ay investment para sa kinabukasan ng kabataan.
Para naman kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang mga bagong kalsada ay direktang magpapabawas sa trapiko at magpapabilis ng biyahe, na makakatulong din sa ekonomiya at sa mas maraming oras na mailalaan ng mga Batangueño sa kanilang pamilya.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, ang mga proyektong ito ay bunga ng maayos na koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan, patunay na kapag nagkakaisa, mas mabilis na naipapahatid ang resulta sa mamamayan.
Samantala, hindi naman nakarating si Batangas Governor Vilma Santos-Recto, dahil sa karamdaman sa kanyang kalusugan ayon sa anak nito na si Cong. Recto. | BChannel News