Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12316 na magbibigay sa kanya ng kapangyarihang pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa petroleum products, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng batas, maaaring ipatupad ang tax reduction kapag umabot o lumagpas sa 80 US dollars per barrel ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, base sa rekomendasyon ng DBCC at pakikipag-ugnayan sa Department of Energy.
Maaaring full o partial ang pagbawas ng buwis depende sa sitwasyon, at ito ay epektibo hanggang tatlong buwan. Maaari rin itong i-extend ngunit hindi lalagpas sa kabuuang isang taon.
Awtomatikong ibabalik sa normal ang buwis kapag bumaba ang presyo ng langis o matapos ang itinakdang panahon.
Nakatakda lamang gamitin ang kapangyarihang ito hanggang December 31, 2028.
Pero nilinaw ng Pangulo na pag-aaralan pa kung kailan ito gagamitin, base sa kondisyon ng merkado.
Inaatasan din ang Pangulo na magsumite ng ulat sa Kongreso sa loob ng 15 araw matapos ipatupad ang tax adjustment, kabilang ang epekto nito sa inflation, presyo ng langis, kita ng gobyerno, at benepisyo sa mga mamamayan.
Samantala, obligadong magsumite ng buwanang ulat ang mga oil companies sa DOE upang masubaybayan ang galaw ng presyo sa merkado.