Umani ng positibong reaksyon online ang isang jeepney driver sa Zambales matapos mag-viral ang kanyang mensahe ng pakikiusap at malasakit sa mga pasahero sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.
Sa Facebook post ng estudyanteng si Renz Salonga noong March 25, ibinahagi niya ang larawan ng nakapaskil na mensahe sa loob ng jeep na kanilang nasakyan.
Sa note, maayos na nakikiusap ang driver kung maaari ay magdagdag ng kahit kaunting pamasahe ang mga pasahero dahil halos barya na lamang umano ang kanilang kinikita kada biyahe dulot ng mahal na krudo.
“May ipapakisuyo po sana ako sa inyo baka pwede pong magpadagdag sa inyo ng pamasahe, kahit magkano lang po yung bukal po sa loob nyo, kasi po hindi na namin kaya yung laki ng diesel namin at halos barya na lang naiuuwi sa kada byahe, sa panahon po ng krisis ngayon, walang ibang magtutulungan kundi tayo tayo lang, at ganoon din po ako sa inyo, if ever na kulang pamasahe nyo or wala kayong pamasahe, magsabi lang po kayo sa akin isasakay ko po kayo. Maraming salamat po sa pang unawa niyo,” saad ng driver na nakalagay sa bond paper.
Sa kabila nito, kapansin-pansin ang kabutihan ng tsuper dahil handa pa rin siyang magsakay ng pasaherong kulang o walang pamasahe, basta magsabi lamang sa kanya.
Mabilis namang kumalat ang nasabing post sa social media at umani ng papuri mula sa netizens, na humanga sa malasakit at kabutihang ipinakita ng driver.