Sa gitna ng kanyang tagumpay bilang topnotcher sa Chemical Engineering Licensure Examination 2025, isang mas mabigat na laban ngayon ang kinakaharap ng fresh graduate na si Abell Alcantara matapos siyang ma-diagnose ng Non-Hodgkin’s lymphoma o B-cell cancer.

Si Alcantara ay mula sa Lobo, Batangas at nagtapos ng BS Chemical Engineering sa Batangas State University, The National Engineering University bilang Cum Laude at Rank 1 ng kanilang College of Engineering. Lalo pa siyang nakilala nang pangunahan niya ang Chemical Engineers Licensure Examination noong Nobyembre 2025, gayundin ang Chemical Technicians Licensure Examination noong Oktubre ng parehong taon.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, habang inaasikaso niya ang kanyang pre-employment medical requirements noong Pebrero 2026, natuklasan ang isang malaking bukol sa loob ng kanyang dibdib. Matapos ang sunod-sunod na tests, scans, at medical examinations, nakumpirma noong Marso 2026 ang kanyang diagnosis na cancer.
Ayon kay Alcantara, masakit tanggapin ang sitwasyon lalo’t kasabay nito ang kanyang mga naabot na pangarap at nalalapit pa niyang kaarawan. Gayunpaman, pinipili niyang maging matatag sa gitna ng pagsubok.

Sa mga darating na araw, sisimulan na niya ang agarang chemotherapy regimen dahil sa mabilis na paglala ng kanyang mga sintomas sa loob lamang ng ilang linggo. Patuloy rin ang pagsusuri ng mga doktor sa iba pang bahagi ng kanyang katawan upang matukoy ang lawak ng kanyang kondisyon.
Sa kabila ng kanyang pinagdadaanan, ibinahagi ni Alcantara ang mga aral na kanyang natutunan, ang manatiling dedicated sa goal, magkaroon ng positibong mindset, at higit sa lahat ay manalig sa panalangin. Aniya, malaki ang naitulong ng kanyang kursong Chemical Engineering sa paghubog ng kanyang katatagan at kakayahang harapin ang mga hamon sa buhay.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa kanyang pamilya at mga kaibigan na patuloy na sumusuporta sa kanya sa laban na ito. Gayunpaman, aminado siyang napakalaki ng kakaharaping gastusin para sa chemotherapy, mga gamot, laboratory tests, at iba pang medical procedures.
Dahil dito, kumakatok siya sa puso ng publiko para sa tulong—pinansyal man o non-financial. Ayon sa kanya, malaking bagay na ang simpleng pag-share ng kanyang kwento o pagpapadala ng mensahe ng suporta upang mas marami pang tao ang maabot at makatulong.
Sa kasalukuyan, patuloy ang kanyang laban, bitbit ang pag-asa, determinasyon, at paniniwala na malalampasan niya ang pagsubok na ito.
Para kay Alcantara, ang tunay na lakas ay hindi lamang nasusukat sa mga tagumpay na nakamit, kundi sa kakayahang bumangon at lumaban sa gitna ng pinakamabigat na hamon ng buhay.
“Napakalaki pong bagay ang inyong magiging tulong pinansyal sa anumang halaga sa aking pagpapagamot, sa pamamagitan ng sumusunod: GCash: 09266213250 (A**L* A.) ; LandBank: 0306199218 (ABELL A ALCANTARA)” ayon kay Alcantara.
At sa kanyang mensahe sa publiko, umaasa siyang sa tulong at suporta ng bawat isa, mas mapapalakas pa ang kanyang loob upang maipagpatuloy ang kanyang mga pangarap, para sa sarili, sa kanyang pamilya, at sa iba pang taong nais pa niyang matulungan balang araw. | BChannel News