Pinasampahan na ng administrative at criminal charges ang isang taxi driver at operator sa Cebu matapos makuhanan sa video ang paniningil ng sobra sa K-pop idol na si Soobin ng Tomorrow X Together.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, iniutos na ang agarang impounding ng taxi unit at pakikipag-ugnayan para sa posibleng revocation ng prangkisa ng operator.
Sa viral video, makikitang mula ₱350 na pamasahe, naging ₱500 at umabot pa umano sa ₱1,000 ang siningil, isang paglabag sa fare system na umani ng batikos online.
Giit ni Mendoza, “Enough is enough,” at sinabing nakakahiya sa bansa ang ganitong insidente sa kabila ng konsiderasyong ibinibigay ng gobyerno sa sektor.
Bukod sa kasong estafa, posibleng matanggal ang lisensya ng driver habang patuloy na hinihigpitan ng LTFRB ang polisiya laban sa abusadong public utility drivers, lalo na upang maprotektahan ang mga pasahero at mapanatili ang tiwala ng international visitors.