Posibleng umabot sa P200 kada litro ang diesel sa Pilipinas kung patuloy na lalala ang tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Energy.
Sa pagdinig sa Kongreso, sinabi ni Energy Sec. Sharon Garin na nakaasa ang bansa sa galaw ng global oil market, lalo na sa sigalot na kinasasangkutan ng US, Israel, at Iran.
Paliwanag niya, kahit nasa 20% lang ang global oil supply mula sa Middle East, malaki pa rin ang epekto nito sa presyo kapag nagkaroon ng disruption.
Dagdag pa, kahit matapos agad ang gulo, aabutin pa ng ilang buwan bago makarekober ang supply dahil sa pinsala sa oil infrastructure.
Ayon sa DOE, posibleng manatiling mataas ang presyo ng langis kahit matapos ang conflict, at hindi agad bababa sa ilalim ng P100 kada litro.
Sa kabila nito, tiniyak ng ahensya na stable ang suplay ng kuryente sa bansa at hindi inaasahan ang brownout, dahil maliit lang ang bahagi ng fuel sa power generation. Mayroon ding sapat na imbentaryo ng langis ang Pilipinas na tatagal ng mahigit 50 araw habang naghahanap ng karagdagang supply.